3 gold sa Bulacan sa ball games
MANILA, Philippines - Nagpasabog ng 32 puntos si Rolando Agustin upang pangunahan ang Bulacan sa 99-81 dominasyon sa Pampanga sa secondary boys basketball upang lagyan ng kinang ang mahusay na kampanya na ginawa sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na nagtapos kahapon sa Zambales Sports Complex sa Iba.
Kinatawan ng Jesus Is Lord Christian School sa Bocaue, ipinamalas ng koponan ang mabangis na running game para makuha ang ginto at pawiin ang pagkakalagay lamang sa ikatlong puwesto noong nakaraang taon sa Malolos.
Si Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang siyang naging pangunahing tagapagsalita sa closing ceremony kahapon ng hapon at tampok na kaganapan ay ang paggawad ng overall championships.
Ito rin ang unang kampeonato sa panig ni coach Joseph “Ogie” Gumatay na dating kilalang PBA player at assistant coach ng Sta. Lucia Realty na bumalik sa paaralang kanya rin pinanggalingan.
Sinabayan din ng secondary girls basketball team ang pagningning ng boys team nang kunin ang ginto sa pamamagitan ng 66-29 panalo sa Angeles City.
Hindi nagpahuli ang elementary girls volleyball nang iuwi ang 25-10, 25-23, panalo sa Angeles City para sa isa pang ginto.
- Latest
- Trending