Novo Ecijano boxers kampeon sa boxing
MANILA, Philippines - Nagdomina ang Nueva Ecija ng apat sa limang dibisyong pinaglabanan sa boxing upang magkaroon na ng init ang kanilang kampanya sa 2012 Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA).
Sa People’s Park idinaos ang boxing at sina Ariel Tibayan (pinweight), Rogelio Astudillo (light mosquito), Glerence Cuyapen (mosquito) at Verael Angelo dela Cruz (light flyweight) ang mga nagdomina para sa delegasyon upang ibigay sa Nueva Ecija ang kampeonato sa boxing na kanilang hawak mula pa noong 2006.
Nagpista naman ang archer na si Rommil Onarse nang magkaroon ng apat na ginto sa secondary boys archery para pagtibayin ang paghahabol sa magandang pagtatapos sa kompetisyon na ibinalik sa Zambales sa huling 18 taon dala na rin ng lubusang pagsuporta ni Governor Hermogenes Ebdane Jr. at anak na 1st District Congressman Jun Omar Ebdane.
Umani si Onarse ng ginto sa 40 meters (306), 50m (269), 60m (298) at single FITA (1192) upang tularan ang ginagawang pagdodomina ni Jean Karla Bondoc ng Pampanga na kinuha ang ikalimang ginto sa secondary girls nang talunin si Sanafe Marcelo ng Nueva Ecija sa Olympic Round sa 6-0 iskor.
- Latest
- Trending