MANILA, Philippines - Totohanin kaya ni Manny Pacquiao ang pahayag niyang magreretiro na siya matapos ang kanyang ikalawang laban sa Nobyembre ng taong ito?
Kung si trainer Freddie Roach ang tatanungin, maaari pang magbago ang desisyon ng Filipino world eight-division champion.
“He says God doesn't want him to hurt people,” wika kahapon ni Roach sa press conference sa The Beverly Hills Hotel sa California. “That bothers me a little bit, but Manny has always been a compassionate person.”
Inamin rin ng 33-anyos na Sarangani Congressman na maski ang kanyang 11-taon na anak na si Emmanuel Jr. ay hinihiling siyang labanan si Floyd Mayweather, Jr. bago siya magretiro.
“My kids request me: 'Dad, I want you to retire, but before, you have to fight Mayweather and beat him, ” nakatawang wika ng 33-anyos na si Pacquiao.
Tinanggihan ni Pacquiao ang alok ni Mayweather na guaranteed $40 milyon para sa kanila sanang laban sa Mayo 5. Ngunit hindi kasama rito ang kikitain sa pay-per-view.
“I'm willing to fight Mayweather,” wika ni Pacquiao, lalabanan si Timothy Bradley, Jr. sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. “But I have to fight the guys who are hungry to fight me. Timothy Bradley is strong, and he can punch. He's a good boxer, so it's a challenge to fight a guy like that.”
Inilarawan na ni Roach si Bradley na isang 'dirty fighter' dahil sa paggamit nito ng kanyang siko at ulo para magulangan ang kanyang kalaban.
Idedepensa ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Bradley (28-0-0, 12 KOs) na kasalukuyan namang WBO light welterweight ruler.
“I'm ready for this challenge,” sabi ni Bradley kay Pacquiao. “I think that June 9th is my time. Manny Pacquiao has reigned for a very long time, and I feel that I'm the new face of boxing.”
Muling maghaharap si Pacquiao at ang 28-anyos na si Bradley ngayon sa pagtatapos ng kanilang promotional circuit sa Chelsea Piers sa New York City.