Ihanda Si Lolong
Pumalag ang gobyerno natin sa kalokohang ginawa ng mga boxing fans sa Argentina matapos patulugin ng Pinoy boxer na si John Casimero si Luis Alberto Lazarte sa Buenos Aires noong Feb. 11.
Umalma rin ang ating mga senador sa pangunguna ni Tito Sotto sa inasta ng presidente ng Argentine Boxing Commission na nagsabing walang masama sa nangyari matapos ang laban.
Kung hindi ba naman arogante itong si Osvaldo Bibal para sabihing walang dapat parusahan ay siya na nga siguro ang nuno ng mga konsintedor sa buong mundo.
Tinawanan din ni Bibal, ang pinakamataas na boxing official sa Argentina, ang posibilidad ma-sanction ng iba-ibang boxing associations ang kanyang grupo.
Sa kanya, walang masama na matapos ang laban ay pinagbabato ng fans si Casimero at ang kanyang promoter at trainer, at nilusob sa loob ng ring para saktan.
Halos mapuno ang ring ng mga silyang ibinato ng mga fans. Ganyan ba ang Argentinean hospitality?
“Everything was fine,” sabi ni Bibal.
Pumutok ang butse dito ni Sotto na halos hamunin itong si Bibal sa three rounds ng boxing. Ayaw natin ng away pero mabuti at meron tayong opisyal na handang tumayo para sa ating bansa.
Pinagutos din ng ating Department of Foreign Affairs na ipatawag ang Argentine Ambassador to Manila na si Joaquin Otero upang mag-explain sa nangyari.
Humingi na rin naman ng paumanhin ang deputy chief of mission ng Argentine embassy sa Manila dahil sa nangyari. Pero tila hindi pa rin ito sapat.
Iniisip din ng Malacañang na ipatawag o i-recall ang Phl Ambassador to Argentina, si Rey Carandang dahil sa insidente. Wag natin sisihin si Carandang dahil hindi siya ang may kasalanan sa nangyari.
Ang importante ay kung ano ang ikikilos ni Carandang ngayon at kung paano niya matitiyak na hindi na ito mauulit kung sakaling may iba pang Pinoy boxer na lalaban sa Argentina.
Naiulat na ibinan na ng International Boxing Federation si Lazarte sa pagtatangka niya sa buhay ng referee. Sayang naman dahil kung gusto niya at ni Bibal ng rematch ay willing naman tayo.
Dalhin natin sila sa Agusan. Baka nagugutom si Lolong.
- Latest
- Trending