MANILA, Philippines - Nagising ang AirAsia Philippine Patriots sa ikatlong yugto upang makuha ang come-from-behind 81-72 panalo laban sa nagdedepensang Chang Thailand Slammers sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) nitong Sabado sa Thai Japanese Association Gym sa Bangkok, Thailand.
Masama ang simula ng Patriots dahilan upang mapag-iwanan sila ng hanggang 13 puntos sa first half ngunit nang nakuha ang tunay na laro ay unti-unting bumangon hanggang sa tuluyang iniwan na ang nagdedepensang kampeon tungo sa pananatili sa solo lider sa 6-1 karta.
May 21 puntos, 9 rebounds at 6 assists si Anthony Johnson habang sina Nakiea Miller, Al Vergara at Jonathan Fernandez ay tumulong para maibaon sa limot ang kabiguang inabot ng Patriots sa kamay ng Slammers sa Finals ng 2nd ABL season.
Si Miller ay gumawa ng 14 puntos, 8 rebounds at 4 steals at ang kanyang malaking iniambag ay ang limang sunod na puntos upang pawiin ang huling pagdikit ng home team sa 66-68 sa huling yugto.
May 12 puntos at 8 assists si Vergara habang 12 din mula sa 4 of 5 shooting sa tres ang ibinigay ni Fernandez para masungkit din ng koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco ang ikalimang sunod na panalo.
Kinumpleto ng San Miguel Beermen ang dominanteng laro ng mga koponan mula sa Pilipinas nang ilampaso naman ang Indonesia Warriors, 77-61, na ginanap sa Mahaka Square sa Jakarta, Indonesia.
Agad na nagtrabaho ang Beermen sa unang yugto upang mahawakan ang 22-11 at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Warriors para sa ikatlong sunod na panalo at pumapangalawang 5-2 baraha.