Reyes sumargo kay Ko sa PBB
MANILA, Philippines - Agad na nakitaan ng galing ang Asian team nang manalo si dating World Junior champion Ko Pin Yi ng Chinese Taipei sa pambato ng bansa Efren “Bata” Reyes, 9-4, sa pagbubukas ng 2012 Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off Series nitong Sabado sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Hanggang 2-2 lamang nakaporma ang tinaguriang “The Magician” sa mundo ng bilyar dahil rumatsada si Ko ng apat na sunod na panalo para madomina ang race to nine-10-ball event na handog ng Mega Sports world at BRKHRD at ang The Philippine Star ang official media partner.
Ang tagumpay ay nagpatunay sa pagiging liyamado ni Ko kay Reyes sa betting odds.
“Bilog ang bola at ang nakalaban ko ay isa sa mga tinitingalang player ngayon sa mundo,” wika ni Reyes sa pagtanggap ng kabiguan.
Bukod kay Reyes ay nasa koponan ng bansa sina Francisco Bustamante, Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Carlo Biado, Lee Van Corteza, Alex Pagulayan at Antonio Lining habang sina Chang Jung-lin, Yang Ching-sun, Chao Fong Pang at Chang Yu Long ang iba pang kasapi ng Asian team.
Masusukat uli si Ko dahil sa sunod na linggo ay makakabangga niya si Francisco ‘Django’ Bustamante na tiyak na magnanais na maipaghiganti ang pagkatalo ng kanyang kumpadre.
- Latest
- Trending