MANILA, Philippines - Natapos na ang 14 sunod na kamalasan ng Air21, dating Shopinas.com.
Sa kabila ng pagkakabasura sa kanilang 27-point lead sa third period, nagawa pa rin ng Express na manatili sa kanilang porma at talunin ang Barako Bull Energy, 97-88, para sa kanilang unang panalo sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bago matikman ang tagumpay, nakalasap muna ang Air21 ng 0-14 kartada sa nakaraang PBA Philippine Cup na matagumpay na naidepensa ng kampeong Talk ‘N Text.
Humakot si naturalized Marcus Douthit, naging sentro ng Smart Gilas Pilipinas sa mga international tournaments, ng 16 points, 17 rebounds, 5 assists, 1 shotblock at 1 steal para sa Bert Lina Group of Companies franchise.
“We needed somebody like Marcus to uplift the confidence of the players,” wika ni coach Franz Pumaren sa 31-anyos na dating draftee ng Los Angeles Lakers. “Bitoy (Omolon) and (Mark) Isip really hepled us.”
Naging mainit ang simula ng Express matapos kunin ang isang 22-point advantage, 33-11, laban sa Energy sa 1:00 ng first quarter kung saan nagsalpak si RJ Jazul ng 3-for-3 shooting sa three-point range para tumapos na may 11 points.
Ipinoste ng Air21 ang pinakamalaki nilang bentahe sa 27 puntos, 72-45, mula sa dalawang freethrows ng 6-foot-11 na si Douthit sa 5:27 ng third period.
Napaliit ng Barako Bull, may 1-1 baraha ngayon, sa nine-point deficit, 81-90, ang nasabing bentahe matapos ang ratsada nina import DeMarr Johnson, Willie Miller at Wynne Arboleda sa huling 2:01 ng final canto.
Tuluyan nang sinelyuhan ng Express, may 1-1 record, ang kanilang panalo matapos ipasok ni Omolon, tumapos na may 17 markers, ang kanyang dalawang freethrows buhat sa pang anim at huling foul ni Arboleda para iwanan ang Energy sa 92-81 sa 1:21 nito.
Air21 97 - Omolon 17, Douthit 16, Jazul 15, Sena 13, Isip 10, Escobal 7, Duncil 6, Hubalde 5, Ritualo 5, Espiritu 3, Mirza 0, Faundo 0.
Barako Bull 88 - Johnson 37, Miller 14, Arboleda 12, Najorda 9, Allado 6, Seigle 4, Lanete 2, Pennisi 2, Peña 2, Weinstein 0, Salvador 0, Tubid 0.
Quarterscores: 33-13; 57-36; 77-60; 97-88.