MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Llamados ang kanilang ikatlong dikit na panalo, habang ipaparada naman ng Express si naturalized Marcus Douthit para sa kanilang unang laro sa 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Makakasukatan ng B-Meg ang Petron Blaze ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang labanan ng Air21, dating Shopinas.com, at Barako Bull sa alas-4:15 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tangan ngayon ng Llamados ang 2-0 rekord matapos talunin ang Meralco Bolts, 96-93, sa pabubukas ng torneo noong Pebrero 10 at ang Energy, 88-86, noong Miyerkules, samantalang natalo naman ang Boosters sa Ginebra Gin Kings, 84-82, noong Linggo at sa Bolts, 105-83, noong Miyerkules.
“We’ll have to meet their intensity early and sustain good play for 48 minutes, which is something we’re trying to get better at,” sabi ni B-Meg coach Tim Cone sa Petron ni Ato Agustin.
Ang Boosters ang nagkampeon sa nakaraang 2011 PBA Governors Cup matapos pigilin ang Talk ‘N Text Tropang Texters sa asam na Grand Slam.
Sa pagdating naman ng 6-foot-11 na si Douthit, naglaro para sa Smart Gilas Pilipinas, umaasa ang Express na magbabago ang kanilang kapalaran matapos malasap ang 0-14 kartada sa nakaraang 2012 PBA Philippine Cup.
Nagmula ang 31-anyos na si Douthit sa pagkampanya para sa koponang Foshan sa Chinese Basketball Association (CBA).
Samantala, pinabulaanan ni PBA board vice chairman at Powerade governor JB Baylon nagbitiw na siya bilang Director for Public Affairs and Communications ng Coca-Cola Export Corporation na Philippine branch office ng Coca-Cola Company.
Ayon kay Baylon, sa Pebrero 29 pa magiging epektibo ang kanyang pag-alis sa Coca-Cola Bottlers, Phils., Inc., inalok ang kanilang PBA franchise (Powerade) sa San Miguel Corporation sa halagang P100 milyon.
Ang Coca-Cola Export Corporation ay iba sa Coca-Cola Bottlers Phils. Inc. na nagma-may-ari ng prangkisa ng Powerade.