Lazarte bawal nang lumaban - IBF

MANILA, Philippines -  Bilang aksyon sa nangyaring pagkuyog kay Filipino boxer Johnriel Casimero, pinagbawalan na ng International Boxing Federation (IBF) si Argentinian fighter Luis Lazarte na lumaban sa ilalim ng kanilang organisasyon.

Dalawang beses kinagat ng 40-anyos na si La­zarte ang leeg ng 21-anyos na si Casimero sa kanilang laban noong nakaraang Biyernes sa Argentina.

Bukod pa ito sa gina­wang pananakot ni Lazarte, dating IBF light flyweight titlist, sa referee na si Eddie Claudio nang bawasan siya ng puntos dahil sa panununtok sa likod ng ulo ni Casimero sa sixth round.

Sinulatan na ni IBF president Daryl Peoples si Osvaldo Bisbal, ang presidente ng Argentina Boxing Federation, ukol sa kanyang pagba-ban kay Lazarte.

“There is one measure that we are taking into our own hands and that we will enforce. As a result of Luis Lazarte threatening the life of referee Eddie Claudio while receiving a points deduction in the sixth round, Lazarte is banned from being involved in any capacity in any IBF-related fight that takes place in Argentina or around the world,” ani Peoples.

Tinalo ni Casimero, may 16-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 10 KOs, si Lazarte (49-11-2, 18 KOs) via tenth-round TKO para sa bakanteng IBF interim light flyweight belt.

Nauna nang humingi ng dispensa ang Deputy Chief of Mission ng Argentine Embassy sa Maynila sa DFA.  

Show comments