MANILA, Philippines - Matapos ang 18 taong paghihintay ay muling itataguyod ng Zambales ang Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA).
Sa bagong ayos na Zambales Sports Complex sa Iba gagawin ang kompetisyon na pormal na bubuksan bukas, Pebrero 19.
May 18 school divisions sa Region 3 na kinapapalooban ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ang magbabakbakan sa mga sports events na nakalinya upang tukuyin kung sino ang magiging kinatawan ng Central Luzon sa 2012 Palarong Pambansa sa Pangasinan.
Ang Zambales Sports Complex ay may rubberized track oval bukod pa sa bagong kumpuning Olympic-size swimming pool, gymnasium, grandstands at bleachers.
Bukod pa ito sa pinaayos na athletes’ dormitory na ayon kay Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang siyang tutuluyan ng halos 12,000 atleta at opisyales na magtatagisan sa kompetisyong tatagal hanggang Biyernes (Pebrero 24).
Ang pagtataas ng telon ay itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon at inimbitahan bilang panauhing pandangal sina Senador Ramon Revilla Jr. at Education Undersecretary Rizalino D. Rivera.