MANILA, Philippines - Nagtapos ang laban ng Pilipinas sa idinadaos na 2012 World 8-Ball Championship nang matalo na ang tatlong nalalabing Filipino cue artist na nangyari noong Huwebes sa Fujairah Tennis and Country Club sa Fujairah, United Arab Emirates.
Si Roberto Gomez ang siyang may pinakamagandang naipakita sa mga Pinoy nang makapasok siya sa quarterfinals matapos talunin sina Mark Gray ng Great Britain, 9-6, at Yukio Akagariyama ng Japan, 9-5, sa round of 32 at 16.
Hinarap niya si British Chris Melling at dito natapos ang suwerte ng tinaguriang “Superman” nang lasapin ang 4-9 kabiguan sa quarterfinals.
Sina Lee Van Corteza at Carlo Biado ay nakaabot lamang ng hanggang round of 16 bago namaalam.
Tinalo si Nguyen Phuc Long ng Vietnam, 9-4, kinapos si Corteza laban kay Fu Che Wei ng Chinese Taipei sa 5-9 iskor.
Si Biado na dinurog si Toru Kuribayashi ng Japan, 9-1, ay nanlamig sa hamon ni Chang Jung Lin ng Taipei, 3-9.
Nauna nang namaalam ang nagdedepensang kampeon na si Dennis Orcollo, Joven Alba, Raymond Faraon, Demosthenes Pulpul at Elvis Calasang.
Wala mang Pinoy sa semifinals ay namumuro naman na isa ring pool player mula sa Asia ang hihiranging kampeon dahil dalawang Taiwanese at isang Chinese player ang nasa semifinals.
Magtutuos sa isang semis sina Liu Hai-tao ng China at Fu habang ang isang puwesto sa finals ay paglalabanan nina Chang at Melling.