Boozer, Deng ibinalik ang Bulls sa porma
CHICAGO--Alam ng Chicago Bulls na mas gaganda pa ang kanilang laro sa pagbabalik ni Derrick Rose.
Bagamat hindi pa rin naglalaro si Rose, umiskor naman sina Carlos Boozer at Luol Deng ng tig-23 points para igiya ang Chicago sa 89-80 panalo laban sa Boston Celtics matapos sayangin ang isang 16-point lead.
Ito ang pang apat na laro na iniupo ni Rose bunga ng kanyang lower back pain.
“I think we’re all confident in our abilities, but we know that we’re not getting to where we want to get to without that guy,” sabi ni center Joakim Noah.
Itinala ng Bulls ang isang 16-point lead sa kaagahan ng third quarter bago naagaw ng Boston ang unahan sa 61-60 sa fourth period mula sa alley-oop dunk ni Chris Wilco.
Ngunit isang 12-point run ang bumasag sa 69-69 para sa pang pitong panalo ng Bulls sa kanilang huling walong laban.
Nagtala rin si Deng ng 10 assists matapos magposte ng career-high 11 assists sa panalo ng Chicago kontra sa Sacramento noong Martes.
Sa Portland, Oregon, gumawa si Blake Griffin ng 21 puntos at 14 rebounds upang trangkuhan ang Los Angeles Clippers sa 74-71 paghiya sa host team.
Ito ang unang panalo ng Clippers sa Portland sapul noong Dec. 12.
Sa isa pang laro, tinalo ng Indiana Pacers ang New Jersey Nets, 93--80.
- Latest
- Trending