MANILA, Philippines - Hindi malayong makadaupang-palad ni Manny Pacquiao ang NBA sensation na si Jeremy Lin ng New York Knicks sa susunod na linggo.
Nakatakdang magtungo ang Filipino world eight-division champion sa United States para sa kanilang press conference ni Timothy Bradley, Jr. sa Huwebes sa Chelsea Piers sa New York City.
Ngunit bago ito ay pupunta si Pacquiao sa Madison Square Garden sa Miyerkules para personal na makilala ang Taiwanese-American na si Lin, iginiya ang Knicks sa pitong sunod na panalo ngayong NBA season.
Kilalang mahilig sa basketball ang Sarangani Congressman, at sa katunayan sa kanyang paglalaro sa MP-Gensan Warriors, suot niya ang jersey No. 17 kagaya ng ginagamit ng 6-foot-3 na si Lin.
“The only thing is when he is driving to the basket down the lane, the sea parts,” sabi ni Lee Samuels, ang spokesman para sa Top Rank Promotions.
Sa kanyang unang biyahe sa Chicago para sa kanilang press tour ni Mexican-American David Diaz noong 2008, unang gustong makita ni Pacquiao ay ang estatwa ni NBA legend Michael Jordan sa labas ng United Center.
“He just stared at it for the longest time,” sabi ni Samuels kay ‘Pacman’. “He really loves basketball. Wherever he is, he’s always trying to get a pickup game.”
Ilang NBA superstars na rin ang dumalaw sa pagsasanay ni Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California, At isa na rito ay si Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers.