MANILA, Philippines - Nagsimula sa 0-for-9 fieldgoal shooting, tinapos ni import Omar Samhan ang laro bitbit ang 24 points, 20 rebounds at 4 shotblocks para pangunahan ang nagdedepensang Talk ‘N Text sa 102-96 overtime win laban sa sister team na Meralco sa 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“I can make 40 (points) and 40 (rebounds), watch out,” sabi ng 6-foot-11 na si Samhan, nahirang sa First Team All-WCC bilang junior at senior player at tinanghal na WCC Defensive Player of the Year. Siya rin ang isa sa dalawang player sa kasaysayan ng St. Mary’s College na humablot ng 1,000 rebounds.
Ikalawa siya sa St. Mary’s College history na may 1,846 career points.
Humugot si Samhan ng 6 puntos sa extension period para sa 1-0 record ng Tropang Texters matapos kunin ng Bolts ang 94-92 lamang sa pagbungad nito.
Huling nakuha ng Meralco ang unahan sa 96-94 buhat sa basket ni Chris Ross sa 2:22 ng laro kasunod ang undergoal stab ni Samhan at split ni 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag para sa 100-96 abante ng Texters sa huling 16.5 segundo.
Sinelyuhan ni Samhan ang tagumpay ng PLDT franchise galing sa kanyang dalawang freethrows mula sa foul ni import Jarrid Famous sa huling 8.2 segundo.
Nauna rito, kinuha ng Bolts, nagmula sa 105-83 panalo laban sa Petron Blaze Boosters noong nakaraang Miyerkules, ang first period, 22-19, bago itinala ng Tropang Texters ang isang 11-point lead, 66-55, sa 3:08 ng second quarter mula sa three-point shot ni Ranidel De Ocampo.
Talk ‘N Text 102 - Samhan 24, Alapag 14, Castro 13, Williams 12, Dillinger 10, Fonacier 10, De Ocampo 9, Peek 6, Aguilar 4, Carey 0.
Meralco 96 - Famous 28, Cardona 25, Ross 19, Hugnatan 10, Borboran 6, Espinas 5, Aljamal 2, Taulava 1, Timberlake 0, Macapagal 0, Artadi 0.
Quarterscores: 19-22; 45-42; 68-68; 92-92; 102-96 (OT).