Orcollo bigo kay Skowerski sa round of 32

MANILA, Philippines - Bagong kampeon ang lalabas sa 2012 World 8-Ball Championship na nilalaro sa Fujairah Tennis and Country Club sa Fujairah, United Arab Emirates.

Mangyayari ito matapos mamaalam ang dating kam­peon na si Filipino cue artist Dennis Orcollo nang lasapin ang 3-9 pagkatalo kay Karol Skowerski ng Poland sa round of 32 sa knockout stage.

Sa pagkatalo ni Orcollo, ang Pilipinas ay sasandal na la­mang kina Lee Van Corteza, Carlo Biado at Roberto Go­­mez na nanalo sa kanilang mga unang laro.

Pinabagsak ni Corteza si Lee Chen Man ng Hong Kong, 9-2,;si Biado ay nanaig sa kababayang si Elmer Ha­ya, 9-2; habang 9-4 panalo ang tinumbok ni Gomez laban kay Mario He ng Austria.

Ang ikalawang laro ni Corteza ay laban kay Vietna­me­se Nguyen Phoc Luong, si Biado ay makikipagtagisan kay Toru Kuribayashi ng Japan, habang si Gomez ay ma­­­kakasukatan si Mark Gray ng Great Britain.

Ang 28-anyos na si Skowerski ay agad na nakitaan ng husay sa paglalaro kumpara kay Orcollo nang lumayo sa 5-0 sa race to 9, alternate break format.

Hindi nakuha ni Orcollo ang naunang magandang por­ma na naipamalas sa laro uli nila nina Nasser Al-Mujaibel ng Kuwait tungo sa 9-5 panalo sa opening round.

Show comments