Orcollo bigo kay Skowerski sa round of 32
MANILA, Philippines - Bagong kampeon ang lalabas sa 2012 World 8-Ball Championship na nilalaro sa Fujairah Tennis and Country Club sa Fujairah, United Arab Emirates.
Mangyayari ito matapos mamaalam ang dating kampeon na si Filipino cue artist Dennis Orcollo nang lasapin ang 3-9 pagkatalo kay Karol Skowerski ng Poland sa round of 32 sa knockout stage.
Sa pagkatalo ni Orcollo, ang Pilipinas ay sasandal na lamang kina Lee Van Corteza, Carlo Biado at Roberto Gomez na nanalo sa kanilang mga unang laro.
Pinabagsak ni Corteza si Lee Chen Man ng Hong Kong, 9-2,;si Biado ay nanaig sa kababayang si Elmer Haya, 9-2; habang 9-4 panalo ang tinumbok ni Gomez laban kay Mario He ng Austria.
Ang ikalawang laro ni Corteza ay laban kay Vietnamese Nguyen Phoc Luong, si Biado ay makikipagtagisan kay Toru Kuribayashi ng Japan, habang si Gomez ay makakasukatan si Mark Gray ng Great Britain.
Ang 28-anyos na si Skowerski ay agad na nakitaan ng husay sa paglalaro kumpara kay Orcollo nang lumayo sa 5-0 sa race to 9, alternate break format.
Hindi nakuha ni Orcollo ang naunang magandang porma na naipamalas sa laro uli nila nina Nasser Al-Mujaibel ng Kuwait tungo sa 9-5 panalo sa opening round.
- Latest
- Trending