B-MEG lider na
MANILA, Philippines - Nakuha ng Llamados ang kanilang pangalawang sunod na panalo kasabay ng pagdiriwang ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap ng kanyang pang 30 kaarawan kagabi.
Pinuwersa nina Joe Devance, Marc Pingris at JC Intal sa puwersadong tira si two-time PBA MVP Willie Miller sa huling tatlong segundo para sa 88-86 pagtakas ng B-Meg laban sa Barako Bull at kunin ang liderato sa kaagahan ng elimination round ng 2012-PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Bumangon ang Llamados mula sa isang 14-point deficit sa third period upang itarak ang kanilang 2-0 rekord, habang nalasap naman ng Energy ang 1-1 baraha.
“They were doing a good job of denying our wings,” sabi ni coach Tim Cone. “We didn’t have a lot of concentration in the first half. We were playing hard but not playing smart.”
Kumolekta si Devance ng 26 points, tampok rito ang perpektong 7-for-7 shooting sa freethrow line, 5 rebounds at 3 assists para sa B-Meg.
Mula sa 33-31 lamang ay nakalayo ang Barako Bull ni mentor Junel Baculi sa 40-31 sa 4:40 ng second quarter patungo sa pagpoposte ng isang 14-point advantage, 55-41, sa third quarter sa likod ni import DeMarr Johnson, umiskor ng 21 markers.
Isang 18-4 atake ang inilunsad nina import Denzel Bowles, Josh Urbiztondo, Devance at Pingris para itabla ang Llamados sa 59-59 kasunod ang basket ni Johnson para sa 61-59 abante ng Energy sa 5:43 ng third period patungo sa kanilang 73-69 bentahe sa pagbungad ng final canto.
Huling natikman ng Barako Bull ang unahan sa 83-81 buhat sa tirada ni Miller bago nakalayo ang B-Meg sa 87-83 may 2:06 sa laro.
B-Meg 88 - Devance 26, Bowles 19, Yap J. 14, Pingris 9, Intal 8, Urbiztondo 4, De Ocampo 3, Reavis 2, Yap R. 2, Barroca 1, Simon 0.
Barako Bull 86 - Johnson 21, Allado 14, Pennisi 12, Miller 9, Tubid 8, Pena 7, Arboleda 5, Salvador 4, Lanete 2, Andaya 2, Najorda 2.
Quarterscores: 26-23; 41-52; 69-71; 88-86.
- Latest
- Trending