Puso at determinasyon, susi ng Perpetual
MANILA, Philippines - Puso at determinasyon ang siyang tunay na dahilan kung bakit napagtagumpayan ng University of Perpetual Help Dalta System men’s at women’s volleyball teams na maiuwi ang titulo sa 87th NCAA volleyball.
Hindi natalo sa 14 games ang dalawang koponan upang maging kauna-unahang koponan na nakagawa ng sweep sa liga.
“Ipinakita ng mga players ang kanilang puso at determinasyon. Ito ang susi lalo na noong nakalaban namin ang San Beda,” wika ni Altas assistant coach Michael Carino na kumatawan kay head coach Sammy Acaylar sa PSA Forum kahapon.
Tinalo ng Altas ang Lions sa finals para masungkit ang ikapitong titulo.
Mas makinang ang panalo ng Lady Altas dahil unang titulo ito ng koponan sapul nang sumali mula 1984.
“Masarap ang pakiramdam dahil ito ang unang titulo ng women’s team at nangyari ito dahil sa suporta ng mga pamunuan ng Perpetual,” wika ni team skipper Janice Abarcar na hinalinhinan ang puwesto ni coach Mike Rafael.
Naniniwala rin si Abarcar sa kakayahang makadalawang sunod sa liga dahil halos buo pa rin na babalik ang manlalaro para kumampanya sa 88th NCAA season.
May mababawas na players sa men’s team pero marami na silang nakuhang pamalit kaya’t tiwala si Carino na lalaban pa rin ang Altas para makuha ang ikatlong sunod na titulo at kapusin ng dalawang kampeonato para mapantayan ang 5-peat na naitala ng paaralan mula 1985 hanggang1989.
“We’re proud of the team and we will continue to support them and we will be behind them all the way,” pahayag naman ni league president Anthony Tamayo.
- Latest
- Trending