MANILA, Philippines - Tinalo ni Dennis Orcollo ng Pilipinas si Nasser Al Mujaibel ng Kuwait, 7-4, upang makapasok sa knockout stage sa isinasagawang 2012 World 8-Ball Championship sa Fujairah Tennis and Country Club, United Arab Emirates.
Pakay ni Orcollo na mapagtagumpayan na maidepensa ang titulong inangkin nang talunin si Niels Feijen noong nakaraang taon sa 10-3 iskor laban sa bigating manlalaro na lumahok mula sa 40 bansa.
Nangapa kaunti ang tubong Bislig, Surigao del Sur at hinirang bilang 2011 Player of the Year ng WPA sa kanyang laban kontra kay Nasser dahil sa lamesa.
“Sumablay ako sa ilang madaling shots dahil tight ang pocket at bago ang lamesa. Pero mag-a-adjust ako at may kumpiyansa sa tsansa kong manalo uli,” wika ni Orcollo na nag-bye sa first round sa Group I.
Sinamahan nina Lee Van Corteza at Joven Alba si Orcollo sa knockout stage na sasalihan ng 64 manlalaro, nang manguna sa kanilang grupo.
Nailusot ni Corteza ang 7-6 panalo laban kay Dominic Jentsch sa tagisan sa winner’s side sa Group E habang si Alba na tulad nina Orcollo at Corteza ay nag-bye sa unang round, ay tinalo ang kababayang si Elvis Calasang, 7-2, sa Group F.
Si Calasang ay may tsansa pang pumasok sa knockout stage kung mananalo kay Hanni Al-Howri sa loser’s side.
Ang iba pang Filipino cue-artist na palaban pa ay sina Demosthenes Pulpul, Carlo Biado at Roberto Gomez.
Dinurog ni Pulpul na nagtrabado bilang house pro sa UAE mula pa noong nakaraang taon, si Bahram Lofty, 7-2, sa Group J habang sina Biado at Gomez ay nag-bye sa first round sa Group M.