Nowitzki humataw sa panalo ng Dallas
DALLAS -- Sumandal ang Dallas Mavericks kay Dirk Nowitzki para talunin ang Los Angeles Clippers, 96-92.
Humugot si Nowitzki ng 11 sa kanyang 22 points sa fourth quarter, habang umiskor naman ng 16 si Shawn Marion para sa tagumpay ng Mavericks kontra sa Clippers.
“He’s the classic case of a great player and you just stay the course,” ani coach Rick Carlisle kay Nowitzki.
Nagdagdag naman ng tig-10 points sina Jason Terry, Vince Carter at Brendan Haywood para sa Mavs, nakamit ang kanilang pang 10 sunod na home win laban sa Clippers.
Matapos makalapit ang Clippers sa 89-90 agwat, isang 19-footer ang isinalpak ni Nowitzki at kumonekta ng dalawang freethrows sa huling 21.2 segundo para ilayo ang Mavericks sa 94-89.
Nagposte si Caron Buttler ng season-high 23 points laban sa kanyang dating koponang Dallas. Ang kanyang mintis na 3-pointer sa huling 5.0 segundo ang nagbigay sana sa Clippers ng lamang.
Sa iba pang laro, tinalo ng Philadephia ang Charlotte, 98-89, binigo ng Orlando ang Minnesota, 102-89, pinayukod ng Miami ang Milwaukee, 114-96; giniba ng New Orleans ang Utah, 86-80; at iginupo ng Golden State ang Phoenix, 102-96.
- Latest
- Trending