MANILA, Philippines - Masayang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ang mangyayari sa dalawang atleta at dalawang coach matapos nilang tanggapin ang kanilang insentibo matapos bigyan ng karangalan ang bansa sa mga nilahukang World Championships noong mga nagdaang taon.
Base sa RA 9064 o Incentives Act, nagpalabas kahapon ang PSC ng P2.5 milyong piso bilang insentibo nina bowling coach Dansker Tonolete at lady bowler Maria Liza Del Rosario, soft tennis netter Joseph Arcilla at coach Giovanni Mamawal.
Ang pera ay nanggaling sa PAGCOR na siyang nagbibigay ng pondo para sa Incentives Act.
Pinakamalaki ang napunta kay Tonolete nang bigyan siya ng P1,250,000.00 pabuya matapos manalo ng ginto si Biboy Rivera sa masters event sa 2006 World Men’s Championship sa Busan, Korea.
Si Del Rosario ay tumanggap ng P500,000 pabuya sa naiuwing bronze medal sa 8th World Games sa Kaosiung, Taiwan noong 2009 habang sina Arcilla at Mamawal ay tumanggap din ng tig-P500,000 nang nag-uwi sila ng bronze medal sa 14th World Soft Tennis Championship sa South Korea noong nakaraang taon.