Reyes pinaghandaan si Yi sa PBB Face Off Series

MANILA, Philippines - Babalik ang tagisan sa hanay ng mga pinagpi­pitaganang pool players ng bansa laban sa mga da­yuhang manlalaro sa pag­larga uli ng 2012 Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series sa Pebrero 18 sa Pagcor Airport Casino sa Parañaque City.

Ang magbubukas ng telon sa palarong inorga­nisa ng Mega Sports World at BRKHRD Corp ay si Efren “The Magician” Reyes laban kay dating WPA World Junior Champion Ko Pin-yi ng Chinese Taipei.

 Lumaro si Reyes sa PBB noong nakaraang taon ay tinalo niya si dating two-time world champion Wu Jia Qiang noong Dis­yembre 30.

Nagpahayag si Reyes ng kahandaan na bigyan ang Pilipinas ng panalo sa palarong mapapanood sa Solar Sports, Sky Channel 70, Destiny Channel 34 at live streaming sa www.megasportsworld.com at www.philippinebigtimebilliards.com.

“Naghanda ako rito dahil nais kong magkaroon ng magandang simula sa PBB,” wika ng 57-anyos na si Reyes.

Si Francisco Bustaman­te ang susunod na ma­ka­katapat ni Yi na itinakda sa Pebrero 25.

Para pagandahin ang tagisan, ang PBB ay gagawin din bilang Philippines vs Asia at ang mga mananalo ay magkakaroon ng puntos.

Tatagal ang tagisan sa loob ng 17 linggo at ang koponang may pinakamaraming panalo ang lalabas na kampeon.

Bukod kina Bustamante at Reyes, kasama rin sa Philippine team sina Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Carlo Biado, Lee Vann Cor­teza, Antonio Lining at Alex Pagulayan.

Ang Asian team ay sa­sa­mahan pa nina Chang Jung-lin, Yang Ching-shun, Chao Fong Pang at Chang Yu Long.

Maisasagawa uli ang PBB dahil sa tulong ng Malungai Life Oil, Diamond Billiard table, Hermes Sports Bar, I-Bar, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, Mandarin Sky Sea Food Restaurant, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP), Hotel Sogo, Eurotel Hotel at The Philippine Star bilang official media partner.

Show comments