MANILA, Philippines - Maging ang Department of Education (DepEd) ay tutulong sa grassroots development ng Philippine Football Federation (PFF).
Ayon sa pangulo ng PFF na si Mariano Araneta, nagkausap na sila ni DepEd Secretary Bro. Armin Luistro at nangako siyang magtatalaga ng 200 paaralan upang isama ang football sa mga sports na kanilang pagtutuunan.
“Malaking tulong ang pakikiisa ng DepEd sa programa dahil nasa kanila ang mga mag-aaral na edad 6-anyos. Little by little, we will be taking our steps in our bid to have a solid grassroots program,” wika ni Araneta.
Bago ang DepEd ay tumulong na ang PAGCOR sa PFF na nagbigay ng P20 milyon, habang ang Asian Football Development Program (AFDP) na hawak ni Jordan Prince at FIFA Vice President HRH Prince Ali bin Al-Hussein ay magbibigay ng mga kagamitan.
Ang mga ito ay parte ng binubuhay na Kasibulan Program na ang layunin ay makabuo ng malakas na koponan na ilalaban sa Under 17 World Cup sa 2019.
“Ang mga batang edad 8 taon ang siya naming nakikita para kumatawan sa World Cup. Lilibot sa iba’t ibang lugar ang Kasibulan para tukuyin ang mga may potensyal na bibigyan ng pagsasanay,” paliwanag pa ni Araneta, magsasagawa rin ng National Under 15 at Under 18.