MANILA, Philippines - Bumangon ang Alaska mula sa kanilang kabiguan noong Biyernes sa likod nina Cyrus Baguio, Mexican import Adam Parada at LA Tenorio.
Umiskor si Baguio ng team-high 25 points para tulungan ang Aces sa 109-102 panalo laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa 2012 PBA Commissioner's Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Nagdagdag sina Parada at Tenorio ng 24 at 19 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa 1-1 baraha ng Aces, nanggaling sa 78-98 pagyukod sa Barako Bull Energy noong Biyernes.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Barangay Ginebra at Petron Blaze habang isinusulat ito.
Sa paglipat ni coach Tim Cone sa B-Meg, itinabi na rin ng Alaska ang kanilang pamosong ‘triangle offense’.
“Sa tingin ko mas okay kami. Mas nakakatakbo kami ngayon, mas nakakabuwelo ako,” sabi ni Baguio.
Kinuha ng Aces ang 28-20 abante sa first period hanggang palobohin ito sa 15 puntos, 78-63, laban sa Elasto Painters mula sa isang three-point shot ni Eric Salamat.
Sa pagbibida nina import Duke Crews, Paul Lee at Jeff Chan, naagaw ng Rain or Shine ang unahan sa 97-96 sa 3:58 ng fourth quarter.
Muli namang napasakamay ng Alaska ang lamang sa 101-97 galing sa tres ni Baguio at basket ni Tenorio sa 2:26 nito.
Matapos ang split ni Crews para sa 98-101 agwat ng Elasto Painters, nagsanib naman ng puwersa sina Tenorio at Bobbon Custodio upang ilayo ang Aces sa 105-98 sa huling 43.4 segundo.
Sinabi ni coach Joel Banal na hindi nila tuluyang ibinabasura ang ‘triangle offense’ ni Cone.
“We just do some easy stuffs and keep it simple. “It’s not totally that were putting away the triangle (offense), we’re just putting it in a shelf.”
Inamin rin ni Banal na wala pa sa kanyang kondisyon ang seven-footer na si Parada, dating naglaro para sa Red Bull.
“We saw Adam four years ago when he played for Red Bull,” wika ni Banal kay Parada. “When he came he was a lil bit overweight and out of shape. He hasn’t played for two months.”
Tumipa si Crews ng 34 points para banderahan ang Rain or Shine.
Alaska 109 - Baguio 25, Parada 24, Tenorio 19, Custodio 12, Thoss 8, Salamat 7, Eman 6, Baracael 4, Reyes 4.
Rain or Shine 102 - Crews 34, Chan 18, Lee 11, Cruz 8, Araña 8, Norwood 6, Belga 6, Quiñahan 4, Buenafe 3, Jaime 2, Ibanes 2, Matias 0.
Quarterscores: 28-20; 55-49; 85-74; 109-102.