MANILA, Philippines - Palawigin sa apat ang pagpapanalong hawak ang hanap ng AirAsia Philippine Patriots sa pagbisita nila sa Singapore Slingers sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League ngayon sa Singapore Indoor Stadium.
Mula sa 86-72 dominasyon ang Patriots laban sa Westports Malaysia Dragons sa huling laro at kung mananalo ito sa larong itinakda ganap na alas-4 ng hapon ay mapapanatili nila ang kapit sa liderato na ngayon ay tangan sa 4-1 baraha.
May 4-2 karta ang Slingers at nais ng koponan na makabangon matapos ang 56-66 pagkatalo sa kamay ng nagdedepensang Chang Thailand Slammers sa kanilang huling laro.
Tiyak na ibabandera ang Patriots ni Anthony Johnson at Nakiea Miller gaya ng dati.
Si Johnson ang number two scorer sa liga sa kanyang 25 puntos average habang 20 puntos at 13.6 rebounds naman ang ibinibigay ni Miller.
Pero dahil ang Slingers ang may homecourt advantage, dapat na magpakita ng mas magandang depensa ang bataan ni coach Glenn Capacio.
“Sa ganitong road games, dapat ay rock-solid ang depensa ng bisitang koponan. Ito ang dapat na maipakita nila upang mapatahimik ang crowd,” wika ni Capacio.
Isa sa magbibigay karagdagang kulay sa labanang ito ay ang paglalaro ni Al Vergara laban sa koponang kinuha siya bilang Filipino import sa naunang dalawang edisyon ng regional league.
Sina Don Dulay at Louis Graham ang babandera sa home team pero ang dapat pa nilang makuha ay ang solidong laro sa mga malalaking players dahil si 6’6 Gilas veteran Aldrech Ramos ay babalik na sa Patriots matapos lumiban sa huling tatlong tagisan dala ng sprained ankle.