Lady Falcons kampeon na sa UAAP softball
MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Adamson ang makasaysayang kampanya sa UAAP softball nang kumpletuhin ang 10-0 sweep gamit ang 11-1 dominasyon sa UP na ginawa kahapon sa Rizal Memorial Ballpark.
Si Rizza Bernardino ang nanguna sa Lady Falcons sa kanyang 2-hitter sa bilang pitcher at 3 of 3 bilang hitter at ang Adamson ay nanalo sa ikalawang sunod na taon gamit ang sweep.
Dalawang runs ang ibinigay ni Bernardino at isa rito ay kabilang sa limang runs, apat na hits na ginawa ng koponan sa second inning upang matiyak na ang panalo sa labang umabot lamang sa apat na innings.
“Maganda ang inilaro ni Rizza kaya hindi ko na nasunod ang nauna kong plano na pagpukulin din si Julie Marie Muyco. Masaya dahil talagang produkto rin ang titulong ito ng paghihirap ng mga players,” wika ni coach Ana Santiago na may pitong titulo na sapul nang naupo sa bench noong 2003. Ito rin ang ika-11th kampeonato sa Adamson.
Apat na UP batters lamang ang nakatungtong ng base at dalawa rito ay sa base on balls pero isa lamang ang pinalad na nakaiskor dahil sa ganda ng kanilang depensa.
Nanalo ang UE sa Ateneo, 4-2, sa kanilang laro upang makatabla ang UP sa 7-3 karta. Pero ang Lady Maroons ang kumuha sa ikalawang puwesto laban sa Lady Warriors na second placers noong nakaraang taon dahil sa mas magandang quotient.
Dinurog ng UST ang La Salle, 9-2, para angkinin ang ikaapat na puwesto sa 5-5 baraha habang ang Lady Eagles ang pumanglima sa 2-8 karta at ang Lady Archers ang nangulelat nang hindi nakatikim ng panalo matapos ang 10 laban.
- Latest
- Trending