SMBeermen kontra Heat
MANILA, Philippines - Ang kanilang ikaapat na panalo ang balak kunin ng San Miguel Beermen sa pagbisita sa Saigon Heat Tan Binh Stadium sa Vietnam sa pagpapatuloy ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi.
May 3-2 baraha ang Beermen na babangga sa Heat sa ganap na alas-8 ng gabing tunggalian at kung manalo ang bisitang koponan ay posibleng makahulagpos sila sa pagkakasalo sa Westports Malaysia Dragons na mayroon din 3-2 rekord.
Kalaro ng Dragons ang Chang Thailand Slammers sa MABA gym at asam ng home team na makabangon sa 72-86 pagkatalo sa mga kamay ng Philippine Patriots.
Angat ang Beermen dahil sa mas malaking na line-up ngunit ayaw magkumpiyansa ni coach Bobby Ray Parks.
“One thing I’ve learned in this league is not to take any team lightly, especially when they are playing in their homecourt,” wika ni Parks na lumasap ng dalawang talo sa tatlong away games.
Si Dalron Johnson na kanyang kamador sa ibinigay na 18.4 puntos at 8.8 rebounds at Doug Thomas na mayroong 12 puntos at 7 boards average ang mga mangunguna pero nananalig si Parks na hindi mawawala ang suporta ng mga locals para makuha ang panalo.
Sa huling laro laban sa Bangkok Cobras na kanilang dinurog, 94-59, sina Leo Avenido, RJ Rizada at Kelvin Dela Peña ay tumapos sa doble-pigura para hindi makaporma ang bumisitang Thai team.
Babanderahan naman nina Julius Hodge, Jonathan Jones at Fil-Am John Smith ang Heat na hinahanap pa ang unang panalo matapos ang limang laro.
- Latest
- Trending