IRIGA CITY ,Philippines -- Mula sa malamyang panimula ay bumawi si Jeson Patrombon para talunin si Cyril Jacobe, 6-3, 6-2, 7-6 (4), sa singles match at ibigay sa Cebuana Lhuillier-Philippines ang 1-0 lamang laban sa Pacific Oceania sa Asia Oceania Zone Group II Davis Cup tie kahapon dito sa University of St. Anthony Forum.
Nag-init si Patrombon, ang 18-anyos na netter na highest ranked singles player sa kanyang pagiging No. 874, sa gitna ng first set bago dinomina si Jacobe, ang silver medalist sa Oceania Games, sa second set.
Nanlamig si Patrombon sa third set at nakapuwersa ng tiebreaker patungo sa kanyang tagumpay.
Ang krusyal na doubles match ay magtatampok kina Fil-Am Ruben Gonzales at Johnny Arcilla laban kina Jacobe at Daniel Llarenas, ang amang si Cesar ay mula sa Pangasinan.
Nakatakda ang kanilang laro ngayong alas-7 ng gabi, habang ang reverse singles matches ay idaraos naman bukas.
Maari ring palitan ni Fil-Am Treat Huey, ang No. 47 sa world doubles ranking, ang sinuman kina Gonzales at Arcilla bago ang kanilang laban.
Ang mananalo sa pagitan ng Team Phl at Pacific Oceania ang sasagupa sa mananaig sa laro ng Pakistan at Lebanon.
At kung magwawagi, muling makakapasok sa Group I ang mga Pinoy netters kung saan sila namalagi sa loob ng dalawang taon bago nahulog sa Group II noong nakaraang taon.
“The team is always been my priority, nothing as changed,” sabi ni Fil-Am Cecil Mamiit, tumatayo ngayong non-playing team captain.