LA Lakers nilusutan ang Celtics
BOSTON — Nang lumabas ang tira ni Paul Pierce sa huling mga segundo sa overtime, alam ni Pau Gasol na hindi pa tapos ang laro.
Napunta ang bola kay Ray Allen para sa isang putback, ngunit sinupalpal naman ito ni Gasol kasabay ng pagtunog ng final buzzer.
“That shot that Ray Allen took was good, in my opinion,” sabi ni Los Angeles Lakers coach Mike Brown. “But Pau did not stop playing until he heard the horn, and he came up with the big block.”
Humakot si Gasol ng 25 points, 14 rebounds at ang kanyang supalpal kay Allen sa overtime buzzer para tulungan ang Lakers sa 88-87 pagtakas laban sa Celtics.
Umiskor si Kobe Bryant ng 27 points para sa Lakers at kumolekta naman si Andrew Bynum ng 16 points at 17 boards.
Winakasan ng Los Angeles ang kanilang two-game losing streak.
Naglista si Allen ng 22 points para sa Boston at may 12 points at 12 boards si Kevin Garnett.
Tumapos si Pierce na may 18 points, mula sa kanyang 7-of-18 fieldgoals, 9 rebounds at 7 assists.
Sa iba pang laro, tinalo ng Golden State ang Denver, 109-101; binigo ng Houston ang Phoenix, 96-89; at pinayukod ng Sacramento ang Oklahoma City, 106-101.
- Latest
- Trending