MANILA, Philippines - Binuksan ng Barako Bull ang 2012 PBA Commissioner’s Cup sa pamamagitan ng isang malaking panalo.
Inilampaso ng Energy ang Alaska Aces, 98-78, tampok ang 25 points at 6 rebounds ni two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Ang produksyon ni Miller ay mula sa kanyang 11-for-14 fieldgoals para sa 1-0 baraha ng Barako Bull.
Matapos agawin ang 39-34 lamang sa halftime, umarangkada naman ang Energy sa pagtatala ng isang 19-point lead, 63-44, mula sa dalawang freethrows ni Mick Pennisi sa 3:11 ng third period.
Ipinoste ng Barako Bull ang isang 25-point advantage, 80-55, sa 8:35 ng fourth quarter galing sa basket ni Leo Najorda at hindi na nilingon pa ang Alaska.
Samantala, hindi naman natuloy kahapon ang emergency board meeting na tatalakay sana sa sinasabing pagbebenta ng Coca-Cola sa kanilang Powerade franchise sa San Miguel Corporation.
“May proseso tayo sinusunod dito sa PBA tungkol diyan sa pagbebenta ng mga prangkisa,” wika ni PBA Commissioner Chito Salud.