MANILA, Philippines - Tatangkain ngayon nina Jeson Patrombon at Treat Huey na ibigay sa Pilipinas ang panalo sa tagisan nila ng Pacific Oceania sa pagbubukas ng Asia Oceania Zone Group II Davis Cup tie sa University of St. Anthony indoor hardcourt sa Iriga City, Camarines Sur.
Ang 18-anyos na si Patrombon na siyang may pinakamataas na rankings sa hanay ng manlalaro ng bansa sa 874th ang itinalaga ni non-playing team captain Cecil Mamiit bilang top player ng bansa.
Makakaharap niya ang number two ng Pacific Oceania na si Cyril Jacobe sa unang laro ng opening singles sa alas-3 ng hapon.
Ang beteranong si Treat Huey ang sunod na sasalang laban sa top bet ng bisitang koponan na si Michael Leong.
Nominado naman sa doubles para sa host country na gagawin sa Sabado sa ganap na alas-7 ng gabi sina Johnny Arcilla at Ruben Gonzales laban kina Jacobe at Daniel Llarenas na ang ama ay nagmula ng Pangasinan.
Ang reversed singles kung dapat pang laruin ay itinakda sa Linggo mula alas-3 ng hapon.
“Jeson has earned his spot because he has been competing in a lot of tournaments and is the highest ranked player in this team. It’s a good position for him to play in the first game than waiting for the nerves to gather,” wika ni Mamiit kay Patrombon.
Kailangang manalo ang Pilipinas sa tie na ito upang magkaroon pa ng tsansang mabalik sa Group I.
Ang mananalo sa labang ito ay haharapin ang magwawagi sa pagitan ng Pakistan at Lebanon sa Abril.