Parker tinulungan ang Spurs sa pagpigil sa 76ers
PHILADELPHIA -- Umiskor si Tony Parker ng 37 points para tulungan ang San Antonio Spurs sa 100-90 road win laban sa Atlantic Division-leading Philadelphia 76ers.
Ito ang pang-anim na sunod na panalo ng Spurs.
Dalawang laro matapos tumipa ng season-high 42 points laban sa Oklahoma City, muling nanguna si Parker para sa Spurs kung saan niya sinira ang depensa ng Sixers para sa kanyang 6 assists.
Nakipagtulungan rin siya kay reserve Tiago Splitter na umiskor ng 15 points.
"I love playing the pick-and-roll with Tiago," sabi ni Parker.
Kinontrol ng San Antonio ang laro kung saan nila hinawakan ang isang three-point edge sa halftime bago tuluyang iwanan ang Philadelphia sa third quarter kung saan humugot si Parker ng 12 points.
Nagdagdag naman si Gary Neal ng 18 points at humakot si Tim Duncan ng 16 at 11 rebounds para sa Spurs (18-9) na namumuno sa Southwest Division.
Nakakuha naman ang 76ers (18-8) ng team-high 22 mula kay Lou Williams.
Sa Washington, naglista ang mainit na si Jeremy Lin ng double-double sa pagpitas ng 23 puntos at 10 assists upang bitbitin ang New York Knicks sa 107-93 panalo laban sa host team.
Sa iba pang laro, ginapi ng Milwaukee Bucks ang Toronto Raptors, 105-99; hiniya ng Orlando Magic ang Miami Heat, 102-89; nanaig ang Detroit Pistons sa New Jersey Nets, 99-92; giniba ng Memphis Grizzlies ang Minnesota Timberwolves, 85-80; tinalo ng Chicago ang New Orleans Hornets, 90-67 at nakalusot ang Dallas Mavericks sa Denver Nuggets, 105-95.
- Latest
- Trending