Kabiguan sa Big Chill naging motibasyon ng NLEX sa pagsikwat ng kampeonato
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na nais pasalamatan ni NLEX Road Warriors coach Boyet Fernandez, ito ay ang koponan na Big Chill na ginulat sila sa unang laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals.
“I really thank them because they woke us up. The loss was a wake up call to NLEX Road Warriors. The players learned that its not a walk in the park every game and we started to play as a team, played defense and later, won the championship,” wika ni Fernandez.
Pinawi ng NLEX ang 66-83 pagkakadurog sa Big Chill nang kunin ang sumunod na dalawang laro upang maitakda ang tagisan sa Finals laban sa Freego Jeans na kanila namang winalis sa idinaos na best of three series.
Binanggit din ni Fernandez na matamis ang panalo dahil pinaghirapan ng kanyang bataan na maabot ang tagumpay sa ikalawang pagkakataon sa ligang inorganisa ng PBA.
“Malakas ang team pero nagkaproblema kami sa una sa practices dahil ang ibang players ay naglalaro pa sa collegiate leagues at may mga manlalaro rin kaming kinuha sa national team. Sa semifinals na kami halos nakumpleto talaga. Pero ang determinasyon at kahandaan na magsakripisyo ng mga manlalaro ang susi sa tagumpay,” pahayag pa ng beteranong coach.
Matapos makadalawa, ay sinisipat pa ng Road Warriors na sagasaan ang ikatlong sunod na titulo sa gaganaping Foundation Cup na bubuksan sa Marso.
Patok uli ang koponan dahil babalik ang lahat ng manlalaro dahil ang kanilang mga kontrata ay mapapaso sa katapusan pa ng Hunyo.
Lalakas pa ang koponan dahil sa paglalaro uli ni Ronald Pascual na kinailangang magpahinga dahil sa ACL injury.
Bakasyon sa Hong Kong at Macau bukod pa sa ibang pinansyal na ganansya ang ibibigay sa koponan dala ng pagkapanalo.
- Latest
- Trending