MANILA, Philippines - Kinuha ni Alex “The Lion” Pagulayan ang unang titulo sa taong ito nang talunin si Oscar Dominguez, 11-9, sa finals ng 16th Annual Jay Swanson Memorial 9-Ball Tournament na ginawa sa Hard Times Billiards sa Belflower, California, USA.
Ito ang ikalawang sunod na taon na dinomina ni Pagulayan ang nasabing kompetisyon na nilaro noong Pebrero 4 at 5 at nangyari ito kahit nilahukan ang palaro ng mga bigating pool players tulad ng mga dating kampeon na sina Morro Paez (1999 at 2001), Dave Hemmah (1996), Mitch Ellerman (2009), A mar Kang (2006).
Kinailangan din ni Pagulayan na bumangon mula sa loser’s side nang natalo kay Eberle sa seventh round upang maging matamis ang panalo.
Umabot sa 192 ang manlalarong naglaban at sila ay sumalang sa 16 rounds at si Pagulayan ay nakapasok sa finals nang balikan si Eberle, 7-2, at mapangunahan ang loser’s bracket.
Si Dominguez ang kampeon sa winner’ side pero malamig ang kanyang naging panimula dahilan upang lumayo sa 10-3 si Pagulayan sa race to 11 finals.
Ngunit nakabawi ang Mexican-American player at naipanalo ang anim na sunod na racks para dumikit sa 10-9.
Walang tira si Dominguez sa 1-ball upang mangailangan siya ng safety shot.
Pero may kung anong suwerte ang kumapit kay Pagulayan dahil ang kanyang pabandang tira sa cue ball ay hindi lamang tumama sa 1-ball kundi gumulong pa sa nagkumpulang bola na kinabilangan ng 9-ball.
Tamang-tama ang lakas ng banggaan ng cue-ball at ibang bola at ang 9-ball ay gumulong patungo sa side pocket upang hiranging kampeon uli si Pagulayan.
Halagang $3,000.00 ang premyong napanalunan ni Pagulayan matapos kumubra ng $3,550.00 sa tatlong torneo na sinalihan sa Derby City noong nakaraang buwan.