MANILA, Philippines - Dahil pinakaproduktibo sila sa paghahatid ng karangalan sa bansa sa 2011, ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) at Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ang hinirang bilang National Sports Associations (NSAs) of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Ang dalawang samahan ay nagkaroon ng mga world champions dahilan kung bakit patuloy na hinahangaan ang Pilipinas sa larangan ng palakasan at bibigyan ng pagkilala ng PSA sa Annual Awards Night sa Marso 3 sa Manila Hotel.
Ibinandera ang ABAP na pinamumunuan nina Ricky Vargas at Manny V. Pangilinan ng mga batang boksingero na sina Eumir Marcial at Mark Anthony Barriga.
Si Marcial ang kauna-unahang Filipino boxer na nanalo ng ginto sa AIBA World Junior Boxing Championships sa Kazakhstan habang si Barriga ang kauna-unahang Pambansang boksingero na nakapasok sa London Olympics matapos mapasama sa mga lumusot sa qualifying tournament na World Amateur Boxing Championships.
Ibinandera naman ang billiards nina Dennis Orcollo, Efren “Bata” Reyes at Rubilen Amit na nangibabaw sa mga nilahukang world championships.
Si Orcollo ay nangibabaw sa World 8-Ball Championship bukod pa sa SEA Games gold medal sa men’s single 8-ball. Bago natapos ang taon, siya ang lumabas bilang number one player sa World Pool-Billiards Association (WPA)
Dahil sa husay na ginawa, si Orcollo ay tatanggap ng pinakaprestihiyosong Athlete of the Year award kasama ni world boxing champion Nonito Donaire.
Hindi naman nagpahuli sina Reyes at Amit na tinalo ang US pair na sina Johnny Archer at Jeanette Lee, 10-6, para mapanatiling hawak ng bansa ang World Mixed Doubles title na pinaglabanan sa Hangzhou, China.
Si Bise Presidente Jejomar Binay ang tatayo bilang panauhing pandangal sa seremonyang maisasagawa dahil na rin sa tulong ng Smart, ICTSI, Philippine Sports Commission (PSC), Milo, Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Basketball Association (PBA), Harbour Centre, SM Prime Hol-dings, at Coca-Cola.