Pierce binitbit ang Celtics sa 5-dikit na panalo
BOSTON--Alam ni Paul Pierce ang nakataya sa kanyang bawat tira.
Inungusan ni Pierce si Larry Bird para sa No. 2 seat sa career scoring list ng Boston matapos umiskor ng 15 points at tulungan ang Celtics sa 94-84 panalo laban sa Charlotte Bobcats.
Idiniretso ng Boston ang kanilang winning streak sa lima.
“It was a relief. So much was hanging over me the last couple of days. Just hearing about it and knowing that you’ve got a game to play,” sabi ni Pierce. Si Pierce ay may 21,797 points ngayon kumpara sa 21,791 points ni Bird.
Patuloy pa ring hawak ni John Havlicek ang No. 1 spot sa kanyang 26,395 points.
Nagposte rin si Pierce ng 9 assists at 8 rebounds, habang nagdagdag ng 14 assists at 10 points si Rajon Rondo at 22 points si Kevin Garnett at 17 si Ray Allen.
Nagsalpak naman si Derrick Brown ng 10-for-10 fieldgoal shooting para tumapos na may 20 points sa panig ng Charlotte.
Humugot si Pierce ng 7 points sa halftime at nagpasok ng isang three-point shot sa 10:23 sa third quarter.
Nagtala si Reggie Williams ng 21 points para sa Bobcats, naipatalo ang kanilang pang 12 sunod na laro.
Nag-ambag naman si Kemba Walker ng 16 points at 7 assists para sa Charlotte.
Sa Indianapolis, umiskor si Danny Granger ng 12 mula sa kanyang 16 puntos sa final canto upang iligtas ang Pacers sa 104-99 pananaig laban sa Utah Jazz.
sa Miami, naglista si Dwyane Wade ng 26 puntos at trinangkuhan ang Heat sa 107-91 tagumpay kontra sa Cleveland Cavaliers.
Sa Milwauke umasinta ng driving layup si Steve Nash may 5 segundo ang nalalabi sa laro ang nagbigay sa Phoenix Suns ng 107-105 panalo laban sa Milwaukee Bucks.
- Latest
- Trending