Maliwanag pa sa sikat ng araw ang pagkapanalo ni Nonito Donaire Jr. kay Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico nung Linggo sa San Antonio, Texas, kung saan tinanghal ang Pinoy na bagong WBO super-bantamweight champion.
Pero hindi ko maintindihan, at ng nakararami pang iba, kung paano nanalo si Vazquez sa scorecard ng isa sa tatlong judges na si Dr. Ruben Garcia ng Texas, 115-112.
Sa mata ng dalawang judges na si Levi Martinez ng New Mexico at Don Trella ng Connecticut, panalo si Donaire, 117-110. Kahit isang daang beses mong panoorin ang replay ng laban ay ito ang nararapat na score.
Hindi na dapat bigyan ng pagkakataon si Dr. Garcia na mag-judge pa ulit ng isang world title fight.
Itinumba ni Donaire ang mayabang na Puerto Rican sa ninth round. Bilang na bilang ang magandang patama ni Vazquez. Ayon sa statistics, mas madaming itinama ni Donaire, 231-163. Sa power punches, malaki din ang naging agwat, 147-56.
Baka malabo na ang mga mata ni Dr. Garcia kaya hindi niya alam kung sino ang tumatama o hindi. Hindi naman siya baguhan. Ayon sa records, nakapag-judge na siya ng 60 title fights magmula ng 1991.
Pero nung Linggo, malinaw na wala siya sa kanyang sarili. Mukhang namasyal ang kanyang isip habang naglalaban si Donaire at si Vazquez sa loob ng ring. O baka naman panay ang tingin niya sa magagandang round girls.
Kung didikdikin lang siya ng mga mas nakatataas na opisyales, baka aminin niyang pitik-bulag ang kinalakihan niyang laro o baka kamag-anak niya si Vazquez.
Mabuti at dinomina ni Donaire ang laban. Kung naging dikit ito ay naging crucial ang score ni Dr. Garcia, at baka hindi nasungkit ni Donaire ang kanyang ikaapat na world title, kabilang na ang flyweight, super-flyweight at bantamweight.
Halos lumuwa at mahulog sa sahig ang mga mata ni Donaire matapos basahin ng ring announcer ang scorecard ni Dr. Garcia. Kaya napasigaw siya ng malakas nang i-announce ang pangalan niya na bagong kampeon via split decision.
Hindi ko alam kung anong klaseng warning o sanction ang nararapat ihatag ng boxing commission kay Dr. Garcia. Pero hindi ito dapat paraanin lang ng ganyan. Hindi natin alam kung ano ang puwede niyang gawin sa susunod.
Mag-judge na lang siya siguro ng mud wrestling para tiyak na nakatutok ang kanyang mga mata sa laban
Pahabol: Gaya ng inaasahan, walang nangyari sa negosasyon para sa laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. Sa halip, haharapin ni Mayweather si Miguel Cotto sa May 5. Si Tim Bradley naman ang itinatapat kay Pacquiao sa June 9. Puwede pa naman matuloy ang Pacquiao-Mayweather sa Nobyembre. Pero mas puwede din na hindi ito maganap.
Kailan man. (Twitter @abaccordero)