MANILA, Philippines - Masasabing isa ang 2012 Little League Philippine Series (LLPS) bilang isa sa may pinakamaraming partisipante matapos ang lubusang pagsuporta na ibibigay ng host Clark Development Corporation.
Pumalo na sa 90 koponan at posible pang tumaas ang bilang ng nagpatala na sa torneong gagawin mula Abril 8 hanggang 16 para sa tig-apat na dibisyon sa baseball at softball competitions.
“Hindi malayong lumaki pa ang bilang dahil sa magandang offer na ibinigay ng CDC sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Atty. Felipe Remollo. Accessible sa lahat ang Clark at ang mga tutungo sa Palarong Pambansa sa Pangasinan ay hindi na rin mahihirapan sa kanilang transportasyon,” ani Little League Philippines (LLP) administrator Chito Gonzales nang dumalo sa PSA Forum.
Naroroon din si Remollo bukod pa sa dating administrator at ngayon ay PSC commissioner Jolly Gomez at inihayag ng una na makasaysayan ang torneo di lamang Clark kundi pati sa Little League Philippines.
Ang mga dibisyong paglalabanan ay sa baseball at softball ay Major (11-12), Junior (12-14), Senior (13-16) at Big League (15-18) at ang ILLAM na kampeon sa apat na dibisyon ang mangunguna sa mga kalahok.
Ang hihiranging kampeon sa mga dibisyong paglalabanan ay kakatawan sa bansa sa Asia Pacific Regional Tournament para madetermina kung sino ang lalaban sa rehiyon sa iba’t ibang World Series.