Kasaysayan sa Lady Altas
MANILA, Philippines - Gumawa ng kasaysayan ang University of Perpetual Help System Dalta nang nakuha ang kauna-unahang NCAA women’s volleyball title sa pamamagitan ng 25-15, 26-24, 25-10, dominasyon sa Letran nitong Lunes sa Ninoy Aquino Stadium.
Unang titulo ito ng Lady Altas mula nang sumali sa liga noong 1984 at makulay ito dahil hindi sila natalo sa loob ng 14 na laro.
“Last year pa dapat ay champion na kami pero may mga hindi magandang pangyayari na nakaapekto sa laro namin. Pero sa taong ito, pinatunayan nila na deserving silang maging champion kaya masaya ako para sa mga players ko,” ani coach Mike Rafael.
Si Rose Tubino ang nanguna sa Lady Altas sa laban na kung saan ang Lady Knights ay nakapagbigay lamang ng kompetisyon sa second set bago tuluyang bumigay tungo sa second place na pagtatapos.
Si Tubino ang nagpasiklab sa pagbangon ng Lady Altas mula sa 9-3 iskor at naitabla ang laban sa 20-all.
Umabante sa set point ang Lady Knights sa mga hits ni Manel Carolino pero naroon uli si Tubino na nagpakawala ng apat na sunod na kills para ibigay sa kanyang koponan ang 2-0 karta.
Nawalan na ng kumpiyansa ang Lady Knights sa ikatlong set na madaling napanalunan ng Lady Altas tungo sa pagkumpleto sa 14-0 sweep.
Si Tubino ang hinirang bilang MVP sa dibisyon habang si Rafael ang Coach of the Year.
Doble selebrasyon ang nangyari sa host Perpetual dahil nagdomina rin ang nagdedepensang Altas gamit ang 14-0 sweep.
Tinapos nila ang best-of three series laban sa San Beda gamit ang 25-14, 25-15, 25-23, panalo at si Marcelo Joaquin ang lumabas na MVP ng dibisyon.
- Latest
- Trending