PHILADELPHIA - Naisulat na ni Kobe Bryant ang kanyang pangalan sa basketball history.
Sa pag-alingawngaw ng “Beat L.A.!” sa harap ng ikalawang sunod na sellout crowd, isinalpak ni Lou Williams ang isang go-ahead 3-pointer para tulungan ang Philadelphia 76ers sa 95-90 paggupo sa Los Angeles Lakers ni Bryant.
Humugot si Williams ng 14 sa kanyang 24 points sa fourth quarter at sinapawan ang record-setting night ni Bryant.
Isinalpak ni Williams ang isang tying jumper kasunod ang isang three-pointer para ibigay sa 76ers ang 91-88 lamang sa harap ng kanilang 20,064 fans.
Isang floater ni Williams ang naglayo sa Philadelphia sa 93-88 patungo sa pagtatala nila ng 13-3 win-loss record sa kanilang sariling tahanan.
“From the start of my basketball career, and for as long as I could remember, I’ve always played well in the fourth quarter,” sabi ni Williams.
Humugot naman si Bryant ng 24 sa kanyang 28 points sa first half. Nilagpasan niya ang dating kakampi sa Lakers na si Shaquille O’Neal sa fifth place sa career scoring list ng NBA.
Ang 33-anyos na si Bryant, ang NBA’s leading scorer sa kanyang average na 29.4 points, ay may 28,601 career points.
Sa Orlando, bumangon ang Los Angeles Clippers mula sa isang 15-point first half deficit at nakahugot ng 29 points at 8 assists kay Chris Paul para talunin ang Orlando Magic 107-102, sa overtime.
Nilisan naman ni veteran guard Chauncey Billups ang Clippers sa fourth quarter bunga ng isang left Achilles injury.
Umiskor si Billups ng 11 sa kanyang 18 points sa fourth quarter nang napahiga sa sahig sa huling 5:48.
Kaagad siyang pinuntahan ng kanilang mga trainers at teammates at nangailangan ng makakatulong papunta sa kanilang bench.
Humakot naman si Blake Griffin ng 18 points at 10 rebounds para sa Clippers, naipanalo ang anim sa kanilang huling pitong laro kasabay ng pagpigil sa kanilang nine-game losing slump laban sa Magic.