MANILA, Philippines - Inaasahang gugulong na ang pagbuo sa SMART Gilas II sa buwang ito.
Sa pagdalo ni team manager Butch Antonio sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, kanyang ibinulalas na nasa plano na ang pagpapadala ng imbitasyon sa mga mahuhusay na collegiate players na napipisil na masama sa programa.
Inaasahan na rin ang gagawing pakikipagpulong ng SBP sa pangunguna ng pangulong si Manuel V. Pangilinan at pamunuan ng PBA para sa kanilang ibinibigay na tulong tulad ng pagpapahiram ng manlalaro na magagamit sa mga lalahukang malalaking torneo.
Ang Gilas II ay nakatuon sa hangaring maipasok ang Pilipinas sa 2014 World Championship na posibleng gawin sa Spain at ang Pilipinas ay palaban dahil ang mangungunang tatlong bansa sa gagawing FIBA Asia Men’s Championship sa 2013 ang kakatawan sa rehiyon.
“Mas malakas ang mabubuong programa ngayon kumpara sa Gilas I dahil ang lahat ng mga tama at kamalian na nangyari ay mababago sa programang ito,” wika ni Antonio.
Ang Gilas I ay hinawakan ni Serbian coach Rajko Toroman at kinapos sa hangaring maipasok ang Pilipinas sa London Olympics nang tumapos lamang sa pang-apat sa FIBA Asia sa Wuhan, China.
Nakuha ng Gilas I ang naturalized player na si Marcus Douthit na ayon kay Antonio ay tamang hakbang ngunit ang kamalian dito ay ang limitadong oras na napunta sa mga PBA players na hinugot para palakasin ang koponan.
“Three years ang Gilas I habang two years ang time frame sa Gilas II. Pero ang maganda rito, mas maagang maipapasok ang mga PBA players sa sistema. Ang plano ay bumuo ng 30 manlalaro na kinabibilangan ng tig-15 collegiate at pro players. Mula rito ay kukuha ng manlalaro na ilalaban sa mga kompetisyong balak salihan para makita kung sino ang puwedeng ilaban sa FIBA Asia,” paliwanag pa ni Antonio.
Mas malakas ang mabubuong koponan dahil nasa PBA players na ang mga kasapi ng Gilas I na may karanasan na kung paglalaro sa international games ang pag-uusapan.
Sa hanay naman nina local coaches Chot Reyes, Jong Uichico, Norman Black at Ryan Gregorio magmumula ang head coach ng Gilas II at wala na munang plano ang SBP na kumuha ng dayuhang consultant dahil naniniwala silang nakuha na ng mga batikang coaches na nabanggit ang tamang formula para maibalik ang Pilipinas sa world map.