MANILA, Philippines - Asahang mas mainit na laro ang ipakikita ng nagdedepensang NLEX Road Warriors sa muling pagkikita nila ng Freego Jeans sa Game Two ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa San Juan Arena.
Ang laro ay ngayong alas--3 ng hapon at nais ng Road Warriors na sundan ang inangking 75-51 dominasyon sa Jeans Makers sa Game One noong Huwebes para wakasan na ang kanilang best-of-three title series.
Bago sumambulat ang sagupaan ay ihahayag muna ang napili bilang Conference Player of the Year.
Naniniwala si NLEX coach Boyet Fernandez na handa ang kanyang bataan na tapusin na ang serye at mapagtagumpayan na mapanatili sa kanilang poder ang kampeonatong inangkin sa Foundation Cup laban sa Cebuana Lhuillier gamit ang 2-0 sweep.
“Expect kong gagawa ng mga adjustments ang kalaban dahil wala lang sila sa kondisyon sa Game One. Kaya kailangang hindi mawala ang focus ng players dahil hindi pa tapos ang series na ito,” wika ni Fernandez.
Ang angking height advantage ng Road Warriors ang isa sa mga gagamitin ng koponan upang makumpleto ang pagwalis sa Jean Makers.
Si 6-foot-6 Ian Sangalang na tumapos taglay ang 20 puntos mula sa respetadong 9-of-14 fieldgoal shooting ang mamumuno sa Road Warriors bukod pa kina Calvin Abueva, RR Garcia, Clifford Hodge, Garvo Lanete at Chris Ellis.
Isang araw na pahinga ang sinasandalan ni Freego Jeans coach Leo Austria na makakatulong upang manumbalik ang pagkauhaw na manalo ng kanyang bataan.
“Para manalo kami ay dapat mas kakitaan kami ng intensity. Kailangan ng hussle at maging madiskarte sa bawat play,” wika ni Austria.
Si Lester Alvarez ang pinaka-consistent na manlalaro ni Austria pero sa Game Two ay dapat itong makakuha ng mas magandang suporta sa ibang kakampi.
Ang mga bigmen na sina Eric Camson at Lionel Manyara ay sinisiw ng frontliners ng NLEX, habang sina Alex Nuyles at Janus Lozada ay nalimitahan lamang sa pinagsamang 9 puntos para mapag-iwanan ang Jeans Makers.
Kung sakaling mananaig ang Freego Jeans, ang Game Three ay itinakda sa Huwebes sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.