Hanggang ngayon ay may nanghihinayang sa pangyayaring hindi nakarating sa Finals ng nakaraang PBA Philippine Cup ang Petron Blaze. At marami rin ang nagsasabi na dapat ay Talk ‘N Text versus Petron Balze ang matinding championship series.
Pero tapos na iyon, eh. Sa best-of-seven semifinals nagtagpo ang Tropang Texters at Boosters. Nangyari iyon dahil sa kanilang placings sa pagtatapos ng 14-game elimination round. Kung naging top two teams sila sa elims, magkakahiwalay sila ng grouping.
So, ang nangyari ay sa semis sila nagkita. At ayon sa mga experts, parang iyon na rin ang Finals. Kasi, kahit na alin sa Talk ‘N Text o Petron ang pumasok sa championship round, tiyak na maliliyamado kontra sa kanilang makakatagpo - Powerade o Rain or Shine.
Kaya naman natin binabalikan ito ay dahil kay Arwind Santos. Kahit paano’y nanghihinayang angkanyang mga fans sa pangyayaring nabigo siya na magwagi bilang Best Player of the Conference. Kahit si Santos mismo ay nanghihinayang.
Kasi, bahagi ito ng kanyang pangarap na maging Most Valuable Player. Sa mga sumusubaybay sa career ni Santos, aba’y palagi siyang nauunahan ni Kelly Williams. Sabay silang pumasok sa PBA at si Williams ang naging top pick, No. 2 lang si Santos. Naunang makatikim ng kampeonato si Williams, samantalang noong nakaraang Governors Cup lang nagkampeon si Santos. Naging MVP si Williams at si Santos ay hindi pa nakakakuha ng award na ito. Muntik na sana noong nakaraang season pero tinalo siya ni Jimmy Alapag ng Talk ‘N Text.
Kung si Santos ang naging Best Player ng nakaraang Philippine Cup, automatic sana siyang contender para sa MVP award sa season na ito. Ganoon ang patakaran, eh.
Pero kahit na No.1 siya sa statistics ay dinaig siya ni Gary David ng Powerade. Kasi nga’y naihatid ni David sa Finals ang Tigers, bagamat No. 8 sila sa pagtatapos ng elims. At tumindi rin ang statistics ni David, lalung-lalo na sa scoring dahil sa nakagawa siya ng 30 points o higit pa sa 11 sa 14 playoff games. Umakyat nga siya ng No. 2 spot sa pagtatapos ng semis. At nakakuha siya ng napakaraming boto para manalo. Deserving naman talaga siya.
Kaya naman ngayon ay automatic contender na siya para sa MVP award. At dahil sa Philippine Cup siya naging Best Player, aba’y napakalaking tsansa niyang maging MVP puwera na lang kung palaging mae-eliminate ang Powerade sa susunod na dalawang conference.
Pero puwede namang mahabol ni Santos. Kailangang kumayod siya nang husto sa Commissioners Cup at Governors Cup. Kailangang tulungan niya ang Petron Blaze na pumasok sa Finals.
Malamang na bumaba ang kanyang mga numero. Kasi hindi na siya magiging dominante sa shaded area bunga ng pangyayaring unlimited ang height ng mga imports. Isa pa’y babalik na sa active duty sina Jay Washington at Rabeh Al-Hussaini. Maraming makakahati sa posisyon si Santos.
Medyo dehado na si Santos sa labanan.