Patriots pinulutan ang Dragons
MANILA, Philippines - Gumana agad ang opensa ng AirAsia Philippine Patriots upang iwanan ang Westports Malaysia Dragons para sa madaling 86-72 panalo sa pagpapatuloy ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League kagabi sa Yñares Sports Center sa Pasig City.
Humataw muli ang mga inaasahang manlalaro ng Patriots na sina Anthony Johnson, Nakeia Miller at Al Vergara nang tumapos taglay ang mga double-double outputs para sungkitin ng Patriots ang ikaapat na panalo sa limang laro.
Si Johnson ay mayroong 27 puntos at 12 rebounds, si Miller ay may 21 puntos at 15 boards, habang si Vergara ay may 12 puntos at 12 assists at ang Patriots ay may tatlong dikit na panalo upang magkaroon ng momentum papasok sa dalawang road games na kanilang haharapin sa sunod na dalawang linggo.
"Ang key rito ay ang depensa ni Johnson kay Tiras (Wade) na nalimitahan sa kanyang output. Maganda rin ang inilaro ni Al at ang iba pang mga locals lalo na sa depensa," wika ni Patriots’ head coach Glenn Capacio.
Si Wade na naghahatid ng 24.5 puntos sa naunang apat na laro ay mayroon lamang 16 puntos sa 7-of-15 shooting.
Karamihan sa kanyang ginawa ay matapos lumayo ng hanggang 31 puntos, 65-34, ang Patriots na mula sa tres ni Johnson.
Samantala, nakabawi naman ang San Miguel Beermen sa pagkatalong nalasap sa Singapore Slingers nang gulpihin ang Bangkok Cobras, 94-59, noong Sabado sa nasabi ring venue.
Ang mga locals na sina Leo Avenido, RJ Rizada at Kelvin Dela Peña ay nagsanib ng 38 puntos upang magkaroon ng magandang suporta ang kanilang mga imports na sina Doug Thomas at Dalron Johnson at ang tropa ni coach Bobby Parks ay mayroong 3-2 baraha ngayon.
- Latest
- Trending