^

PSN Palaro

'Huwag na sanang maulit'

PRESS ROW - Abac Cordero -

Napakasakit isipin na para sa maliit na halaga ay handang itaya at ibuwis ng isang boksingero ang kan­yang buhay sa loob ng ring.

Pero iyan ang mapait na katototahanan. Muli, isang malagim na trahedya ang tumaklob sa isang boksing match ng himatayin at ma-comatose ang super-fly­weight na si Karlo Maquinto matapos ang kanyang eight-rounder laban kay Mark Joseph Costa sa Caloocan City noong nakaraang Sabado.

Tuluyang natapos ang laban ni Maquinto kamakalawa, sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay, sa isang ospital sa Quezon City. Masakit mang sabihin, si Maquinto ay pumanaw ng hindi nakamit ang kanyang pangarap na maging isang kampeon.

Sa kanyang final scorecard, naitala ang sanhi ng kanyang pagkamatay bilang cardio-respiratory arrest bu­nga ng brain injury sa ganap na 10:15 ng umaga.

Naiulat na tinanggap ni Maquinto, malakas, matapang, walang talo (6-0-1) at 21-anyos lamang, ang laban para P8,000. Maliit na halaga. Sa katunayan, halos dikit lamang ito sa minimum wage, sabihin na nating si Maquinto ay sasampa sa ring minsan isang buwan.

Ito lang ba ang halaga ng buhay ng isang boksi­nge­ro na nagsisimula pa lamang at nangangarap na maging isang Manny Pacquiao?

Hangad lamang ni Maquinto, gaya ng iba, na ma­ka­tulong sa kanyang pamilya. Ang hindi niya alam, ang kanyang laban noong Jan. 28 ay ang kanyang ka­huli-hulihan. Madami-dami na ring Pinoy boxers ang namatay sa laban, 29 ayon sa isang report, at huwag naman sanang madagdagan pa.

Sa tuwing sasapit ang trahedya ay lumalabas ang kahinaan ng mga opisyales, kabilang na dito ang sa Games and Amusements Board o GAB, na nagbibigay ng lisensiya sa mga boksingero, referee at promoters, na ipatupad ang mga nararapat na regulasyon.

Sa laban ni Maquinto, napansin ang kawalan ng nga vital equipment na hindi dapat mawala sa lugar ng pagdadausan ng laban.

Bagamat may ambulansiya at may mga doctor do­on, wala namang oxygen tank na magamit sa ring, walang slant board na kung saan dapat inihiga si Ma­quinto matapos siyang mag-collapse, at wala ring collar bone or neck brace na kinakailangan matapos ang isang sakuna.

Hindi dapat payagan ng GAB ang isang promotion o boxing card na matuloy hanggat hindi nagkaroon ng ganap ng inspeksyon ng kakayanan ng venue na hu­ma­rap sa isang di inaasahang pangyayari.

Ayon kay GAB commissioner na si Aquil Tamano, kahit na may oxygen tank sa venue ay hindi na rin ito kakailanganin dahil sa lubha ng tama ni Maquinto. “It wouldn’t have mattered because it was a brain injury,” sabi niya ayon sa ulat ng isang pahayagan.

Masakit madinig ang mga salitang ito galing sa isang opisyal ng gobyerno. Sa banda ng oxygen tank, mas ma­buti na ang meron kesa sa wala.

At muli, isang imbestigasyon ang nais ipatawag sanhi ng pagkamatay ni Maquinto. Hindi ba’t ganito na din ang kinahinatnan ng mga nakaraang sakuna na humantong din sa kamatayan ng isang Pilipinong boksingero?

Saan ba hahantong ang imbestigasyong ito? Sa a­king pananaw at palagay, matatapos ito sa mga sa­­litang nangangako na ang lahat ng tao at mga ahen­siyang involved sa isang boxing promotion na pag­bubutihin na nila ang kanilang trabaho.

Isa na namang pangako na huwag sanang mapako.

vuukle comment

AMUSEMENTS BOARD

AQUIL TAMANO

CALOOCAN CITY

ISANG

KANYANG

KARLO MAQUINTO

MAQUINTO

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with