PSA major awardees pangungunahan ng 3 world champions
MANILA, Philippines - Tatlong world boxing champions, tig-dalawa sa billiards at wushu at isa sa dragon boat ang mangunguna sa listah an ng mga major awardees na pararangalan sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Marso 3 sa Manila Hotel.
Babanderahan ni World Boxing Organization (WBO) flyweight champion Brian Viloria ang 18 pang personalidad na bibigyan ng pagkilala sa nasabing event na pamumunuan ni Vice-President Jejomar Binay bilang speaker at guest of honor.
Sina title holders Donnie Nietes (WBO minimumweight) at Ana Julaton (WBO super-bantamweight) ay makakasama ni Viloria, bilang mga top honorees sa boxing.
Sina sanda (sanshou) fighters Jessie Aligaga at Dember Arcita ng wushu ay bibigyan rin ng rekognisyon.
Gagawaran rin ng parangal sa awards night na inihahandog ng Smart, Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Basketball Association (PBA), Milo, Harbour Centre, SM Prime Holdings, Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR), ICTSI at Coca-Cola sina lady cue artist Rubilen Amit at Efren `Bata’ Reyes.
Ang Dragon Warriors, kumuha ng limang gold medals sa 10th International Dragon Boat Federation World Championship sa Tampa Bay, Florida, ay kasama rin sa mga major awardees.
Nakuha ni Viloria ang kanyang ikatlong world title matapos ang kanyang 12-round unanimous decision win laban kay Julio Cesar Miranda at umiskor ng isang eight-round technical knockout kay Giovanni Segura para sa kanyang title defense.
Napanatili naman ni Julaton ang kanyang WBO super-bantamweight crown mula sa kanyang dalawang title defenses kontra kina Francesca Alcanter sa California at Jessica Villafranca sa Mexico.
- Latest
- Trending