Altas, Lady Altas lumapit sa korona
MANILA, Philippines - Isang laro na lamang ang double championships ang iseselebra ng University of Perpetual Help System Dalta sa larangan ng 87th NCAA volleyball.
Sa unang tagisan sa best-of-three finals na nangyari noong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium ay umalagwa ang husay ng Lady Altas at Altas sa Letran at San Beda tungo sa mahalagang 1-0 kalamangan.
Kinailangan ng Lady Altas na magpakatatag sa fourth set bago tuluyang inangkin ang tagisan nila ng Lady Knights sa fifth nang kunin ang 25-16, 23-25, 25-27, 25-20, 15-10, panalo.
Ito ang ika-13 sunod na panalo ng tropa ni coach Mike Rafael at bagamat nagpasalamat ito sa ipinakitang katatagan ng mga alipores ay aminadong hindi pa tapos ang laban dahil isa pang laro ang kailangan nilang maiuwi para mabitbit ang unang kampeonato sa women’s volleyball.
“We still have Game Two to think about. It will be tough after what the Lady Knights showed for game one but we will be ready,” wika ni Rafael.
Ang Altas na siyang nagdedepensang kampeon sa men’s division ay inilampaso ang Red Lions, 28-26, 25-22, 25-22, sa kanilang serye.
Sinikap man ng Red Lions na bigyan ng magandang laban ang Altas, pero lutang pa rin ang lakas ng nagdedepensang kampeon tungo sa 3-0 sweep.
Ang dalawang titulo ay mapapasakamay na ng UPHSD kung manalo uli sa katunggali sa Lunes.
“Patuloy naming ipinagdarasal ang aming manlalaro upang maisakatuparan nila ang aming hangaring kampeonato,” wika ni League President Anthony Tamayo ng host Perpetual.
- Latest
- Trending