Palami nangangamba sa tsansa ng Azkals
MANILA, Philippines - Huwag na munang lagyan ng mataas na ekspektasyon ang Philippine Azkals kung paglahok sa AFC Challenge Cup sa Nepal ang pag-uusapan.
Ang kompetisyon ay gagawin sa Marso 8 hanggang 19 sa Nepal at naunang nanalig ang pamunuan ng Azkals na makakapagbigay sila ng magandang laban.
Pero isang buwan halos bago ang torneo ay nagbago na ang tono ni team manager Dan Palami sa tsansa ng koponan.
“Realistically, with the preparation that we have, we don’t think we’re in a position to dream too much,” wika ni Palami.
Hindi pa rin nasosolusyunan ang problemang kinaharap ng Azkals noong nakaraang taon patungkol sa paghugot ng manlalaro para sa koponan.
Ang ibang local players ay tali pa sa mga mother teams sa UFL habang ganito rin ang suliranin sa mga Fil-Foreigners.
“We’ll do what we can especially on our training camp in Dubai. Hopefully, the cramming will give us good results,” dagdag pa ni Palami.
May 30-katao ang tutulak patungong Dubai at Qatar sa susunod na linggo para sa training camp.
Bukod dito ay ang pagsasagawa ng mga tune-up games laban sa Uzbekistan at Australia sa Pebrero 11 at 16 at sa first division Qatar team na Al Ahli Sports Club sa Pebrero 13.
Ang mga hakbang na ito ani pa ni Palami, sana ay maging sapat na para makasabay ang Azkals sa matinding hamon ng Challenge Cup.
Nasa Group B ang Pilipinas at ang mga larong kanilang haharapin ay laban sa North Korea sa Marso 9, India sa Marso 11, at Tajikistan sa Marso 13
Ang mangungunang dalawang koponan ay aabante sa knockout semis sa Marso 16 at ang finals ay gagawin sa Marso 19.
- Latest
- Trending