MANILA, Philippines - Pinosasan ng NLEX Road Warriors ang mga kamador ng Freego Jeans sa ikalawang yugto upang maiuwi ang madaling 75-51 panalo sa pagbubukas kahapon ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 20 puntos si Ian Sangalang habang 13 pa ang ibinigay ni RR Garcia at ang iba pang kakampi ay tumulong sa pamamagitan ng pagdepensa o pag-rebound upang makapagdomina ang Road Warriors mula sa simula hanggang natapos ang labanan.
Nalimitahan ng Road Warriors sa 2 of 17 shooting sa second period ang Jeans Makers at hindi pa sila nakaiskor sa huling pitong minuto para makahulagpos na ang NLEX sa 40-21 kalamangan.
Dahil sa madikit na depensa ay tanging si Lester Alvarez lamang ang nakaiskor ng doble pigura para sa bataan ni coach Leo Austria sa kanyang 13 puntos.
Tila nawala sa kondisyon ang Freego Jeans dahil maaga nilang tinapos ang Cebuana Lhuillier sa kanilang semifinals match na nauwi sa 2-0 sweep.
Ang Game Two ay itinakda sa Martes at kung mananalo pa ang Jeans Makers, ang deciding Game Three ay gagawin sa Huwebes sa Ynares.