MANILA, Philippines - Karanasan laban sa determinasyon.
Ganito maituturing ang magaganap na huling pagkikita sa pagitan ng NLEX Road Warriors at Big Chill sa pagtatapos ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tabla ang best-of- three series sa 1-1 kaya’t ang mananalo sa larong itinakda ganap na alas-2 ng hapon ang siyang aabante sa Finals laban sa Freego Jeans.
Nasa nagdedepensang kampeon na NLEX ang momentum matapos iuwi ang 69-62 tagumpay sa Game Two noong nakaraang Huwebes.
Pero sa isang one-game showdown, alam ni Road Warriors coach Boyet Fernandez na walang saysay ang momentum dahil tiyak na lahat ng mga manlalarong magtatagisan ay ibubuhos ang lahat ng makakaya para makuha ang mahalagang panalo.
“Game Three ito at lahat ng mga stats at iba pa ay walang halaga. Players game ito at kung sino ang mga players na mas maglalaro ng maganda ang mananalo,” wika ni Fernandez.
Mas beterano at mas malalim ang rotation ng NLEX lalo pa’t babalik sa mahalagang tunggalian si Calvin Abueva na nasuspindi sa ikalawang tagisan dala ng fragrant foul na pinakawalan kay Jessie Collado.
Pero isang bagay na hindi pa nasisilayan sa koponan sa semifinals ay ang kanilang killer’s instinct.
Sa huling laro ay nakalayo na ng 24 puntos ang NLEX pero nagkumpiyansa ang tropa at nakabangon ang Superchargers at nakalamang pa. Pero hindi na naipagpatuloy ng Big Chill ang hangaring upset dahil sa mahusay na pagdadala ni RR Garcia.
Ang nangyari sa Game Two ang siyang sinasandalan ni Big Chill coach Arsenio Dysangco kung bakit kumbinsido rin siya sa kanilang tsansang manalo.
Kailangan lamang na huwag magpapadehado ang kanyang alipores sa mga mauunang yugto ng labanan para mas gumanda ang tsansang manalo.
Ang Freego Jeans ni coach Leo Austria ay nakapasok na sa best-of-three Finals na sisimulan sa Huwebes matapos walisin ang Cebuana Lhuillier sa kanilang serye.